Kaninang hapon lang, inatake na naman ako ng sakit ng sikmura matapos ang ilang buwan na hindi nakakaramdam nito. Dun sa ilalim ng buto. Sobrang sakit.

Sa aking pamimilipit sa gitna ng katahimikan, hindi ko maiwasang hindi mag-isip. Bukod sa sakit na dinaranas ko noong mga oras na iyon, naisip ko kung bakit ako nasasaktan. Pati ang mga bagay na nakakasakit sa akin, naisip na rin. Lahat ng bagay.

Habang iniisa-isa ko ang mga bagay na iyon, naisip ko na naman kung bakit kailangan ko pang makaranas ng matinding sakit ng katawan bago ko mapagtanto ang mga ito.

Umiikot lang ito sa salitang SAKIT. Iba-iba man ng kahulugan, yun pa rin ang bagsak.

Maraming uri nito. May pisikal, mental, at ang pinakasikat ay ang emosyonal. Sa pisikal, maiisip ang mga karamdaman. Sa mental, uso ang pagod na dulot ng pag-aaral o pag-iisip. Sa emosyonal naman, lalabas ang pangalan ng mga tao na may kinalaman sa iyong damdamin.

Iba ang ibig sabihin ng “ikaw ay nagkasakit” sa “ikaw ay nasaktan” at sa “ikaw ay nagpakasakit”. Minsan, kung nagkasakit ka, hindi ka agad maiiyak. Pero kapag nasaktan ka, ibang usapan na yan. Iiyak ka na talaga. Maaaring pisikal na nasaktan o emosyonal na nasaktan. Anu pa man, di hamak na mas may epekto ito sayo kesa sa sakit mo.

Bakit nga ba tayo nasasaktan?

Naitanong mo na ba yan sa sarili mo? Malamang ang madalas na sagot ay “syempre tao tayo” o di naman kaya madadamay pa ang isip at damdamin. Pati kaluluwa na rin.

Di naman kasi lahat ng tao nasasaktan. May mga taong manhid.

May damdamin pero walang pakiramdam.

May utak pero hindi nag-iisip.

May puso pero hindi sinusunod.

May kaluluwa pero walang awa.

Kaya ang mabuti pa, wag niyo na hintayin na maospital kayo bago niyo malaman kung gaano na kayo nagkasakit at nasaktan.

Tandaan: Hindi ka manhid para hindi mo maramdaman yun.

Sa buhay, may mga simpleng tanong na walang matinong sagot ayon sa katanungan.

Magulo? Hindi. Sa dulo nitong paliwanag na ito, maiintindihan niyo rin ang ibig sabihin ng katagang iyan.

Simulan natin sa isang sikat at epektibong halimbawa…

(Eksena: Sa loob ng eroplano sa dulo)

Cabin Crew: (british accent) Good evening sir. What would you like to eat? Chicken, beef, or fish?

Passenger: Beef please.

Cabin Crew: (british accent) Umm, sir, we have no more beef.

Passenger: Ok, I’ll take the chicken.

Cabin Crew: (british accent) Sorry sir, but we also ran out of chicken.

Passenger: Well then, I guess I have to take the fish.

Cabin Crew: (british accent) Oh I’m very sorry sir, but the last fish meal was given to a special child. Would you like to have some pasta with vegetables instead?

Passenger: Then why did you ask me to choose among the three meals if there was nothing left? Why didn’t you just offer me whatever you have in that piece of pushcart? Damn!

Marahil ay naiintindihan niyo na ang nais iparating ng mga salitang nakasalungguhit. Napakarami pang ibang halimbawa ng ganitong eksena na iba-iba rin ang paraan ng pagpapaliwanag. Sa una, nakakatawa at tila isang “gag show”. Pero sa huli, nakakaasar lalo na pag paulit-ulit na nangyayari.

Kung meron man kayong nais ibahaging mga karanasan na nauukol sa katagang nakasalungguhit, maaaring ipagbigay-alam po lamang sa pamamagitan ng pagkomento sa usaping ito.

Sa panahon ngayon, iba na ang kahulugan ng pagmamahal. Habang tumatagal, nababahiran ng masamang epekto ang salitang ito.

Para isang hamak na drayber o tsuper na tulad ko, masakit isiping may nagmamahal pang iba. Sapagkat ang pagmamahal ng gasolina ay sapat na upang magdusa kami sa buhay.

Tama. Gasolina. Siya lang ang “pinakamapagmahal” sa lahat. Yan ay sa ngayon. Tila nagpapakita ng “public display of affection” sa sambayanan. Ang mga bilihin naman sa palengke ay hindi araw-araw nababalita. Pero ang gasolina, maya’t maya may flash report. May nagbibigay ng update.

Hindi madaling itago na hindi tayo naapektuhan sa pagmamahal nito. Buong mundo, at hindi lamang ang Pilipinas, ang nakakaranas ng sakit sa damdamin na dulot ng gasolina.

Tulad ng isang linya sa pelikula, maaari nating sabihin sa gasolina na:

“Nagmamahal ka nga, pero ang sakit-sakit na!”

Hindi lang sa damdamin masakit, kundi lalong lalo na sa bulsa. Sinasabi nila na para mas makatipid ay mag-commute na lang. Pero ganun din naman. Walang pinagkaiba. Butas din ang bulsa sa pamasahe.

Ayon sa isang kasabihan:

“Love has no price.”

May isa pang madrama at madalas na naririnig: 

“Hindi mo masusukat ang pagmamahal.”

Pero ang walang sawang pagmamahal ng gasolina at iba pa ay nasusukat natin.

Sa presyo nito.

Nakaramdam ka na ba ng kakaibang nangyayari sa mata mo?

Tipong halos lumabas na ito sa kanyang kinalalagyan sa bungo?

Maipapaliwanag ba ito ng siyensya? O sadyang base lang ito sa pakiramdam at paningin ng tao?

Madalas ay nagpupuyat na ang daigdig ngayon. May katuturan man o wala ang pinagkakapuyatan, madalas sabihin sa mga taong ito na nanlalalim ang kanilang mga mata. Ngunit ang hindi nalalaman ng nakararami, halos lumuwa ang mga mata niyan sa kakaharap sa kompyuter. Maghapon magdamag na nakatitig sa kawalan. Samu’t saring kulay at laki ang mga tinitingnan. Tila hinihigop ang mata unti-unti.

Yun ang dahilan kaya’t luwa ang mata ng karamihan.

 

 

 

 

Nakakapagtaka kung paano kumain ang isang gutom na senior citizen.

Bago siya kumain ay mapapansing mabagal ang kanyang pagkilos. Di makatayo, tamad na tamad, at tila bulok na sitaw sa pagkakaupo. Kapag kinausap mo’y parang robotik. Mabagal na nga, monotonous pa. Pag tatayo na yan ay magpapahila pa sa ‘yo. Lilitaw ang mga naglalawlawang braso na parang lukot na manila paper na nakasampay na lang sa buto. Mahahawakan mo ngayon ang kamay na parang luya. Mas makinis pa nga ang tunay na luya kung tutuusin. Sisimple siya ng akbay sa ‘yo. Didilim ang paningin mo sa bigat ng binuhat na aakalaing pasan mo na ang daigdig.

Habang nasa mesa at kumakain, may pustiso man o wala ay lalamon yan na parang mauubusan ng pagkain. Makikipag-agawan pa yan ng ulam minsan. Sisimutin niya ang ilalim ng kaldero o rice cooker. Kahit tutong, papatusin. Pati mga tumalsik na butil na kung saan-saan na nahulog, pupulutin at isusubo. Pagkatapos kumain, yung plato niya kala mo hindi nagamit. Yung tubig, ubos niya isang pitsel.

Tatayo na yan at didighay. Hihimasin ang tiyan na busog na busog. Magtitinga pa yan minsan gamit ang toothpick o kamay na lang. Minsan naman, kala mo ngumunguya pa. Yun pala nagtitinga na.

Pagkatapos ng lahat, siya pa may ganang maghugas ng mga pinagkainan. Palibhasa may lakas na. More energy, mas happy. Maglalakad pa yan ng patalikod para lang magpakitang gilas. Minsan iisipin mo pa kung ano ba nakain niya at nagkaganun siya bigla. Yun ay dahil may nakain siya. Hindi na mahalaga kung ano pa yun.

Kaloka!

 

 

 

Unang gabi pa lang ng radio monitoring ng AM stations sa radyo, o amplitude modulation sa mas pinahaba nitong kahulugan. Sari-saring mga reaksyon na ang naglabasan.

 

 

Ang isang tanong na gumugulo sa aking isip ay… sa dinami-dami ng mga makabagong teknolohiya, may nakikinig pa ba ng sangkatermang mga istasyon ng AM sa radyo?

 

 

Sa aming pagpapalit ng impormasyon ng aking mga kabarkada, natuklasan ko na maraming uri ng programa sa AM. May religious teachings, christian songs, political issues, economic issues, local news, international news, radio drama, very old songs, showbiz chismis, love doctors, quiz bees, at kung anu-ano pang mga hindi natin mawari kung sino ang mga tagapakinig nito. Kapansin-pansin din ang kakaibang boses ng mga commentators at announcers - nakakaantok na mabagal na baluktot na hindi ko na maipaliwanag, parang zombie. Subukan niyo na lang makinig. Sa uri ng musika at mga topics ng mga istasyon ng AM, tiyak na mawiwirduhan kayo.

 

 

Sa kabutihang palad naman, medyo matino pa naman ng konti ang istasyong napunta sa akin. Sa mga ganoong oras, tungkol sa pulitika at ekonomiya ng bansa ang tinatalakay nila. Marami akong natututunan mula sa mga tagapakinig na tumatawag sa kanilang programa at naghahain ng sariling opinyon ukol sa isyu. Nakakatawa rin dahil may mga tagapakinig na nagbabangayan at nagpapalitan ng panlalait sa isa’t isa. Parang mga batang nag-aaway ngunit sila’y mga oldies na. Hahaha! Marami pa rin palang nakikinig ng AM sa panahon ngayon. Hindi lang mga matatanda kundi pati mga kabataan. Di lang natin namamalayan dahil kabilang tayo sa mga taong nagwawalang-bahala na lang sa AM. Sinasabi nating baduy, makaluma, pang-matanda, pang-katulong, atbp. Aminado ang iba na nakikinig lang sila ng AM kapag brownout at may bagyo, naghihintay ng updates sa suspensionng klase.

 

Ikaw siguro, sa tanang buhay mo ay di ka pa nakakapakinig ng AM. Bakit di mo subukan?